isang taon na rin ang lumipas mula nang ako'y nagsumikap malayo sa sa lupang kinatitirikan ng aking mga paa. lupang hangad ay putikan ang iyong mga paang bagong pedicure at foot spa.

marami na rin akong napagdaanan sa lupang iyon. dun ako natutong kumain at masubsob sa putikan. dun ako natutong tumayo at bumalanse ng aking katawan anumang dulas nito. dun ko nakilala ang mga taong may mga simpleng pangarap sa buhay. simpleng pamumuhay. simpleng tao. simpleng pangarap. sa lupang iyon, matutuhan mong makibaka sa mga manlulupig. bagama't di ko naranasang maapi sa gabundok nitong putikan, dito ko naman natutunan ang pagkapit sa mga nalalabing hibla ng talahib ng tanging gabay mo upang makaahon sa pagkakabaon nitong kumunoy. dun ko naranasan ang bumangga sa pader. sa unang beses nagkakalasog-lasug aking mga buto ngunit ako'y tumayo, putikan at puno ng alikabok. dun ko pinatunayang kung ika'y langgam lang at babangga ka sa pader, kagatin mo ang kanyang bahaging di abot ng kamay para kamutin. ewan ko ba sa putikang iyon, kay dumi ng pulitika. sila-sila ang nagbabatuhan ng putik. sila-sila ang naglalanghapan ng alikabok na dulot ng kanilang pangungurakot.

di ko man sila matalo sa kumunoy na kinalulugmukan ko, darating din ang araw na patatambakan ko ng bato't buhangin ang lupaing iyon at ipapa semento ko lahat ng sulok na magdudulot ng alikabok at putik kapag tag-ulan. mag-iipon ako ng pwersa at kakalabanin ko sila hanggang sa silay matalo at maibalik sa kangkongan. magiging patas ako matitikman nila ang tulis ng aking kilay at pilantik nitong mga kamay. balang araw magiging mayora din ako!

marami na rin akong napatunayan sa lupang iyon. nagsumikap ako at naitaas ko ang bandilang kulay rainbow. wala na ring mga taong nanunukso sa akin dun. batid nilang hindi ko sila titigilan hangga't di sila humihinga pag ako kinalaban nila. sapat na rin para sa akin ang aking kontribusyon sa lupang maputik na yon. kilala na nila ako kahit di ko man sila kilala. kahit di ko kilala lahat ng aking kapitbahay marunong din naman akong makikipagkapwa. kahit di ako nakikihalubilo sa mga istambay na walang ginawa kundi tumungga ng tanduay araw-araw gabi-gabi, marunong din naman akong makisama. kahit di ako sumasama sa mga baklang kaladkarin na walang ibang gawain kundi ang ilublob ang kanilang sarili sa putikan, alam nilang malalapitan pa rin nila ako. kahit hindi ko pinapansin ang mga taong nadadaanan ko pauwi na walang mga trabaho kundi maghasik ng chismis at manira ng buhay, hindi pa rin nila ako pwedeng pintasan dahil ni minsan ay di nila ako narinig na mamintas ng ibang tao.

kahit ituring pa nila akong hindi marunong makisalamuha sa kanilang uri, hindi ko iyon alintana. nabubuhay ako dahil pinakain ako ng mga magulang ko. ginapang nilang mabuhay kaming magkakapatid. at wala akong pakialam sa mga taong iyon dahil ni minsan ay di kami humingi sa kanila ng kahit kakarampot na asin. wala akong pakialam sa sasabihin ng ibang tao. ako man ang gagawing pulutan makakayanan ko iyon. pero pag ang aking pamilya ang nadedehado, nakahanda akong tawirin itong karagatan, iwanan itong ispaltong daan at makipagsabayan sa mga higanteng putik ng lupang kinamulatan.

ayoko nang balikan pa ang putik na iyon. hangga't maari mas gugustuhin ko pang langhapin ang polluted na hangin nitong aking kasalukuyang kinatatayuan keysa ilubog ang isa kong paa sa lalim ng putik ng nakaraan. ayoko nang kumain ng putik at uulami'y kuhol. ayoko nang maging pabigat. ayoko nang gumapang sa lupang walang ibang kabutihan kundi ang hilahin ka pababa upang ilubog ka hanggang leeg at maging pataba ng lupa!

No comments:

Post a Comment

May problema ka sa post ko? Wag kang maraming hanash! Mag comment ka!